Miyerkules, Enero 29, 2014

Talaarawan(Jan.29,2014)



 Talaarawan,

   Ngayong araw ay tinalakay namin ang Saykolohikal at ang  siyam na uri nito.
Bumunot din si Mam ng pangalan kung sino ang mag babasa ng gawang tula, Si Erin ang nabunot pero wala pa siyang gawa kaya bumunot na lang ulit si Mam. Nga karoon rin kami ng gawain kaso kinulang sa oras kaya Takdang Aralin na lang ito :)

Lunes, Enero 27, 2014

Walang Himala ! XD




 Talaarawan,

    Lunes na naman :)
Maaga akong gumising para medyo maaga din makapasok kasi may flag ceremony baka mahuli eh :).
Sa oras ng Filipino ay bumunot si Mam ng pangalan para mag basa ng sariling tulang gawa . Si Shaira ang unang nabunot, ang kanyang tula ay panamagatang "Dahil Sayo", at mukang alam na namin kung sino ang tinutukoy nya doon :). Matapos iyon ay nag bahagi ang ilan sa aking kamag-aral ng mga naranasan o nasaksihan nilang himala o maituturing na himala. Matapos iyon ay binasa ni Vangie ang 1-18 senaryo sa akda/pelikulang "Himala".

Sabado, Enero 25, 2014

Kuhaan ng Card ..



 Talaarawan,

 
  Ngayong araw ay kuhaan namin ng Card, sinamahan ko si Mama kasi di naman nya alam bagong room namin. Medyo kinabahan nga ako kasi baka may Line of 7 ulit ako ^^.
Habang nag aantay nakipag kwentuhan muna ako sa mga kaklase ko noong ikalawang taon, maya-maya nakita ko na rin si mama lumabas galing room kaya pinuntahan ko agad, masaya naman ako kasi walang line of 7! tsaka medyo tumaas din yung grade ko :).
Pinauna ko na si Mama umuwi kasi manunuod pa ako ng Program kasama yung iba kong kaklase, di ko na rin tinapos kasi wala akong kasabay pauwi. sumakay na lang ako ng tricycle kesa mag lakad , sayang tuloy 25 pesos -_- XD.

Biyernes, Enero 24, 2014

Kapagod! -_-


 Talaarawan,

   Ngayong araw na ito sa oras ng Mapeh ay nag P.E kami, grabe! nakakapagod yun ha!
Nang sumapit ang oras ng Filipino ay muli naming tinalakay ang tungkol sa "Ang Kalupi". Nag karoon rin kami ng gawain kung saan kami ay gumawa ng kwento gamit ang binigay na impormasyon na nakapaskil sa pisara.
Ang aking kwento ay pinamagatan ko ng "Ang Kwintas ni Kapatid" XD.
Nang mag uwian ay hindi agad kami umuwi nila Medalla dahil sinamahan namin si Latigay na mag research ng aming takdang aralin.
Matapos iyon ay naubos pa rin ang pera ko kahit di naman aako nag internet, bili kasi sila ng bili ng pagkain at nagagaya ako -_-.
Maya-maya'y naisipan na rin naming umuwi bago pa maubusan ng pamasahe ;)

Huwebes, Enero 23, 2014

Ang Kalupi ni Benjamin P. Pascual




Ang Kalupi 

ni Benjamin P. Pascual

Mataas na ang araw nang lumabas si Aling Marta sa bakuran ng kanilang maliit na barungbarong. Aliwalas ang kanyang mukha: sa kanyang lubog na mga mata na bahagyang pinapagdilim ng kanyang malalagong kilay ay nakikintal ang kagandahan ng kaaya-ayang umaga. At sa kanyang manipis at maputlang labi, bahagyang pasok sa pagkakalat, ay naglalaro ang isang ngiti ng kasiyahan. Araw ng pagtatapos ng kanyang anak na dalaga; sa gabing iyon ay tatanggapin nito ang diploma bilang katunayang natapos niya ang apat na taong inilagi sa mataas na paaralan. Ang sandaling pinakahihintay niya sa mahaba-haba rin namang panahon ng pagpapaaral ay dumating na. Ang pagkakaroon ng isang anak na nagtapos ng high school ay hindi na isang maliit na bagay sa isang mahirap na gaya niya, naiisip niya. Sa mapangarapin niyang diwa ay para niyang nakikita ang kanyang anak na dalaga sa isang kasuotang puting-puti , kipkip ang ilang libro at nakangiti, patungo sa lalo pang mataas na hangarin sa buhay, ang makatapos sa kolehiyo, magpaunlad ng kabuhayan at sumagana. Maaaring balang araw ay magkaroon din siya ng mamanuganging may sinabi rin naman. Nasa daan na siya ay para pa niyang naririnig ang matinis na halakhak ng kanyang anak na dalaga habang paikut-ikot nitong isinusukat sa harap ng salamin ang nagbuburdahang puting damit na isusuot sa kinagabihan. Napangiti siyang muli.

Mamimili si Aling Marta. Bitbit ng isang kamay ng isang pangnang sisidlan ng kanyang pamimilhing uulamin. Habang daan, samantalang patungo sa pamilihang bayan sa Tundo, ay mataman niyang iniisip ang mga bagay na kanyang pamimilhin. Hindi pangkaraniwang araw ito at kailangang magkaroon silang mag-anak ng hindi pangkaraniwang pananghalian. Bibili siyang ng isang matabang manok, isang kilong baboy, gulay na panahog at dalawang piling na saging. Bibili rin siya ng grabansos. Gusto-gusto ng kanyang magtatapos na anak ang minatamis na grabansos.

Mag-iikasiyam na nang dumating siya sa pamilihan. Sa labas pa lamang ay naririnig na niya ang di magkamayaw na ingay na nagbubuhat sa loob, ang ingay ng mga magbabangos na pagkanta pang isinisigaw ang halaga ng kanilang paninda, ang salit-salitang tawaran ng mga mamimili.

Linggo ng umaga at ang palengke ay siksikan. Sa harapan niya piniling magdaan. Ang lugar ng magmamanok ay nasa dulo ng pamilihan at sa panggitnang lagusan siya daraan upang magdaan tuloy sa tindahan tuloy sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng mantika. Nang dumating siya sa gitnang pasilyo at umakmang hahakbang na papasok, ay siyang paglabas na humahangos ng isang batang lalaki, at ang kanilang pagbabangga ay muntik na niyang ikabuwal. Ang siko ng bata ay tumama sa kanyang dibdib. “Ano ka ba?” ang bulyaw ni Aling Marta. “Kaysikip na ng daraanan ay patakbo ka pa kung lumabas!”

Ang bata ay nakapantalon ng maruming maong na sa kahabaan ay pinag-ilang - lilis ang laylayan. Nakasuot ito ng libaging kamiseta, punit mula sa balikat hanggang pusod, na ikinalitaw ng kanyang butuhan at maruming dibdib. Natiyak ni Aling Marta na ang bata ay anak-mahirap.

“Pasensiya na kayo, Ale’ ang sabi ng bata. Hawak nito ang isang maliit na bangos. Tigbebente, sa loob-loob ni Aling Marta. Ang bata ay takot na nakatingin sa kanya. “Hindi ko ho kayo sinasadya. Nagmamadali ho ako, e.”

“Pasensya!” – sabi ni Aling Marta. “Kung lahat ng kawalang –ingat mo’y pagpapasensiyahan nang pagpapasensyahan ay makakapatay ka ng tao.”

Agad siyang tumalikod at tuloy-tuloy na pumasok. Paano’t pano man, naisip niya, ay ako ang huling nakapangusap. Higit kong daramdamin kung ako na itong nagawan ng di mabuti ay sa kanyang pa manggagaling ang huling salita. Mataman niyang inisip kung may iba pang nakakita sa nangyari. Marahas ang kanyang pagkakapagsalita sa bata at maaaring may kakilala siyang nagdaraan na nakarinig ng kanyang mga sinabi. Dumating siya sa tindahan ng mga tuyong paninda at bumili ng ilang kartong mantika.


“Tumaba yata kayo, Aling Gondang, “ ang bati niya sa may kagulangan nang tindera na siya niyang nakaugaliang bilhan. Nakangiti siya at ang babae ay ngumiti rin.

“Tila nga ho, “ ani Aling Gondang. “Tila ho nahihiyang ako sa pagtitinda.”

Natawa si Aling Marta at pagkaraan ay dumukot sa bulsa ng kanyang bestido upang magbayad. Saglit na nangulimlim ang kanyang mukha at ang ngiti sa maninipis niayng niyang labi ay nawala. Wala ang kanyang kalupi! Napansin ng kaharap ng kanyang anyo.

“Bakit ho? anito.


“E . . . e, nawawala ho ang aking pitaka, “ wala sa loob na sagot ni Aling Marta.

“Ku, e magkano ho naman ang laman?” ang tanong ng babae.

Ang tanda niyang laman ng kanyang kalupi ay pitumpong piso na siyang bigay na sahod ng kanyang asawa nang sinundang gabi. Sabado. Ngunit aywan ba niya kung bakit ang di pa ma’y nakikiramay ang tonong nagtatanong ay nakapagpalaki ng kanyang loob upang sabihing, “E, sandaan at sampung piso ho.”

Nanatili siya sa pagkakatayo nang ilang saglit, wari’y tinakasan ng lakas, nag-iisip ng mga nakaraang pangyayari. Mayamaya ay parang kidlat na gumuhit sa kanyang alaala ang gusgusing batang kanyang nakabangga. Tumama ang siko nito sa kanyang dibdib, sa kanyang katawan! Dali-dali siyang tumalikod at patakbong lumabas. Hindi pa marahil iyon nakalalayo; may ilang sandali pa lamang ang nakaraan, ang tabas ng mukha, ang mukha, ang gupit, ang tindig. Sa labas, sa harap ng palengke na kinaroroonan ng ilang tindahang malilliit at ng mangilan-ngilang namimili at ang batang panakaw na nagtitinda ng gulay, ay nagpalingan-linga siya. Patakbo uli siyang lumakad, sa harap ng mga bilao ng gulay na halos mayapakan na niya sa pagmamadali, at sa gawing dulo ng pusisyon na di kalayuan sa natatanaw niyang karatig na outpost ng mga pulis, ay nakita niya ang kanyang hinahanap. Nakatayo ito sa harap ng isang bilao ng kangkong at sa malas niya ay tumatawad. Hindi siya maaring magkamali: ang wakwak na kamiseta nito at ang mahabang panahon na ari’y salawal ding ginagamit ng kanyang ama, ay sapat nang palatandaan upang ito ay madaling makilala. At ang hawak nitong bangos na tigbebente.

Maliksi siyang lumapit at binatak ang bata sa liig. “Nakita rin kita!” ang sAbi niyang humihingal. “Ikaw ang dumukot sa pitaka ko, ano? Huwag kang magkakaila!”

Tiyakan ang kanyang pagkakasalita; ibig niyang sa pagkalito ng bata sa pag-aapuhap ng isasagot ay masukol niyang buong-buo. Ngunit ang bata ay mahinahong sumagot:

“Ano hong pitaka? “ ang sabi. Wala ho akong kinukuha sa inyong pitaka.“

“Ano wala!” pasinghal na sabi ni Aling Marta. “Ikaw nga ang dumudukot ng pitaka ko at wala ng iba. Kunwa pa’y binangga mo ‘ko, ano ha ? Magaling, magaling ang sistema ninyong iyan. Kikita nga kayo rito sa palengke!”


Marami nang nakapaligid sa kanila, mga batang nagtitinda, lalaki at babaeng namimili. Hinigpitan ni Aling Marta ang pagkakahawak sa liig ng bata at ito’y pilit na iniharap sa karamihan.

“Aba, kangina ba namang pumasok ako sa palengke e banggain ako, “ang sabi niya. “Nang magbabayad ako ng pinamili ko’t kapain ko ang bulsa ko e wala nang laman!”

“Ang mabuti ho’y ipapulis ninyo, “sabing nakalabi ng isang babaing nakikinig. “Talagang dito ho sa palengke’y maraming naglilipanang batang gaya niyan.”

“Tena, “ang sabi ni Aling Marta sa bata. “Sumama ka sa akin.”

“Bakit ho, saan ninyo ako dadalhin?”

“Saan sa akala mo?” sabi ni Aling Marta at pinisil ang liig ng bata. “Ibibigay kita sa pulis. Ipabibilanggo kita kapag di mo inilabas ang dinukot mo sa akin.”

Pilit na nagwawala ang bata; ipinamulsa niya ang hawak na bangos upang dalawahing – kamay ang pag-alis ng mabutong daliri ni Aling Marta na tila kawad sa pakakasakal sa kanyang liig. May luha nang nakapamintana sa kanyang mga mata at ang uhog at laway ay sabay na umaagos sa kanyang liig. Buhat sa likuran ng mga manonood ay lumapit ang isang pulis na tanod sa mga pagkakataong tulad niyon, at nang ito ay malapit na ay sinimulan ni Aling Marta ang pagsusumbong. “Nasiguro ko hong siya dahil sa nang ako’y kanyang banggain, e, naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa, “patapos niyang pagsusumbong. “Hindi ko lang ho naino kaagad pagkat ako’y nagmamadali.”



Tiningnang matagal ng pulis ang bata, ang maruming saplot nito at ang nagmamapa-sa duming katawan, pagkatapos ay patiyad na naupo sa harap nito at sinimulang mangapkap. Sa bulsa ng bata, na sa pagdating ng pulis ay tuluyan nang umiyak, ay lumabas ang isang maruming panyolito, basa ng uhog at tadtad ng sulsi, diyes sentimos na papel at ang tigbebenteng bangos.

“Natitiyak ho ba ninyong siya ang dumukot ng inyong pitaka? “ang tanong ng pulis kay Aling Marta.

“Siya ho at wala ng iba,” ang sagot ni Aling Marta.

“Saan mo dinala ang dinukot mo sa aleng ito?” mabalasik na tanong ng pulis sa bata. “Magsabi ka ng totoo, kung di ay dadalhin kita.”

“Wala ho akong dinukot na maski ano sa kanya, “sisiguk-sigok na sagot ng bata. “Maski kapkapan ninyo ‘ko nang kapkapan e wala kayong makukuha sa akin. Hindi ho ako mandurukot.

“Maski kapkapan!” sabad ni Aling Marta. “Ano pa ang kakapkapin naming sa iyo kung ang pitaka ko e naipasa mo na sa kapuwa mo mandurukot! O, ano, hindi ba ganon kayong mga tekas kung lumakad …. dala-dalawa, tatlu-tatlo! Ku, ang mabuti ho yata, mamang pulis, e ituloy na natin iyan sa kuwartel. Baka roon matulong matakot iyan at magsabi ng totoo.”

Tumindig ang pulis,” Hindi ho natin karaka-rakang madadala ito ng walang evidencia. Kinakailangang kahit paano’y magkaroon tayo ng maihaharap na katibayang siya nga ang dumukot ng inyong kuwarta. Papaano ho kung hindi siya?”

“E, ano pang ebidensya ang hinahanap mo? ang sabi ni Aling Marta na nakalimutan ang pamumupo. “Sinabi nang binangga akong sadya, at naramdaman ko ang kanyang kamay sa aking bulsa. Ano pa? Sa bata nakatingin ang pulis na wari’y nag-iisip ng dapat niyang gawain, maya’y maling naupo at dumukot ng isang lapis at isang mallit na kuwaderno sa kanyang bulsa.

“Ano ang pangalan mo? ang tanong niya sa bata.

“Andres Reyes po.”

“Saan ka nakatira? ang muling tanong ng pulis. Lumingon ang bata sa kanyang paligid, inisa– isa ang mga mukhang nakatunghay sa kanya. “Wala ho kaming bahay,” ang sagot. ” Ang tatay ko ho e may sakit at kami ho, kung minsan, ay sa bahay ng Tiyang Ines ko nakatira, sa Blumentritt, kung minsan naman ho e sa mga ko sa Kiyapo at kung minsan e sa bahay ng kapatid ng nanay ko rito sa Tundo. Inutusan nga lang ho niya ‘kong bumili ng ulam para mamayang tanghali.

“Samakatuwid ay dito kayong mag-ama nakatira ngayon sa Tundo?” ang tanong ng pulis.

“Oho, “ang sagot ng bata, “pero hindi ko nga lang ho alam ang kalye at numero ng bahay dahil sa noong makalawa lang kami lumipat at saka hindi ho ako marunong bumasa e.”


Ang walang kaawa awang tanong at sagot na naririnig ni Aling Marta ay makabagot sa kanyang pandinig; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating; sa palagay ba niya ay para silang walang mararating. Lumalaon ay dumarami ang tao sa kanilang paligid at ang pulis na umiusig ay tila siyang –siya sa kanyang pagtatanong at pagsusulat sa kuwaderno. Nakaramdam siya ng pagkainis.

“Ang mabuti ho yata e dalhin na natin iyan kung dadalhin, “ ang sabi niya.”Pinagkakaguluhan lamang tayo ng mga tao rito ay wala namang nangyayari. Kung hindi naman ninyo kaya ay sabihin ninyo at tatawag ako ng ibang pulis.’

“Hirap sa inyo ay sabad kayo ng sabad , e” sabi ng pulis. “Buweno , kung gusto n’yong dalhin ngayon din ang batang ito, pati kayo ay sumama sa akin sa kuwartel . Doon sabihin ang gusto ninyong sabihin at doon n’yo gawain ang gusto n’ong gawain.”

Inakbayan niya ang bata at inilakad na patungo sa outpost, kasunod ang hindi umiiyak na si Aling Marta at ang isang hugos na tao na ang ilan ay pangiti-ngiti habang silang tatlo ay minamasdan. Sa harap ng outpost ay huminto ang pulis.

“Maghintay kayo rito sandali at tatawag ako sa kuwartel para pahalili, “ ang sabi sa kanya at pumasok . Naiwan siya sa harap ng bata, at ngayon ay tila maamong kordero sa pagkakatungo, sisiguk-sigok, nilalaro ng payat na mga daliri ang ulo ng tangang bangos. Luminga-linga siya. Tanghali na; ilan-ilan na lamang ang nakikita niyang pumasok sa palengke. Iniisip niya kung ilang oras pa ang kinakailangan niyang ipaghintay bago siya makauwi; dalawa, tatlo o maaaring sa hapon na. Naalala niya ang kanyang anak sa dalagang magtatapos, ang kanyang asawa na kaipala ay naiinip na sa paghihintay; at para niyang narinig ang sasabihin nito kung siya’y darating na walang dala ano man, walang dala at walang pera. Nagsiklab ang poot sa kanya sa kangina pa nagpupuyos sa kanyang dibdib; may kung anong sumalak sa kanyang ulo; mandi’y gagahanip ang tingin niya sa batang kaharap. Hinawakan niya ito sa isang bisig, at sa pagdidilim ng kanyang paningin ay pabalinghat niyang pinilit sa likod nito.


“Tinamaan ka ng lintek na bata ka! Ang sabi niyang pinanginginigan ng laman. “Kung walang binabaing pulis na makapagpapaamin sa iyo, ako ang gagawa ng ikaaamin mo! Saan mo dinala ang dinukot mo sa ‘kin? Saan/ Saan?

Napahiyaw ang bata sa sakit; ang biig nito ay halos napaabot ni Aling Marta sa kanyang balikat sa likod. Ang mga nanonood ay parang nangangapatdan ng dila upang makapagsalita ng pagtutol. Ang kaliwang kamay ni Aling Marta ay pakabig na nakapaikot sa baba ng bata; sinapo ito ng bata ng kanyang kamay at nang mailapit sa kanyang bibig ay buong pangigil na kinagat.


Hindi niya gustong tumakbo; halos mabali ang kanyang siko at ang nais lamang niya ay makaalpas sa matitisgas na bisig ni Aling Marta; ngunit ngayon, ng siya ay bitiwan ng nasaktang si Aling Marta at makalayong papaurong, ay naalaala niya ang kalayaan, kay Aling Marta at sa dumaakip na pulis, at siya ay humahanap ng malulusutan at nang makakita ay walang lingun-lingon na tumakbo, patungo sa ibayo nang maluwag na daan. Bahagya na niyang narinig ang mahahayap na salitang nagbubuhat sa humahabol na si Aling Marta, at ang sigaw ng pulis at ang sumunod na tilian ng mga babae; bahagya ng umabot sa kanyang pandinig ang malakas na busina ng ilang humahagibis na sasakyan. Sa isang sandali ay nagdilim sa kanya ang buong paligid at sa pagmumulat na muli ng kanyang paningin, sa pagbabalik ng kanyang ulirat, ay wala siyang nakita kundi ang madaliin ang anino ng kanyang mukhang nakatunghay sa kanyang lupaypay at duguang katawan.

Hindi umimik si Aling Marta habang minamasdan ang bata Maputla ang kulay ng kanyang mukha at aywan ba niya at pati siya ay tila pinanawan ng lakas. Malanig na pawis ang gumigiti sa kanyang noo at ang tuhod niya ay parang nangangalog. Hindi siya makapag-angat ng paningin; sa palagay ba niya ay sa kanya nakatuon ang paningin ng lahat at siyang binubutan ng sisi. Bakit ba ako nanganganino sa kanila? Pinipilit niyang usalin sa sarili. Ginawa ko lamang ang dapat gawin ninuman at nalalaman ng lahat na ang nangyayaring ito’y pagbabayad lamang ng bata Sa kanyang nagawang kasalanan.

Ang pulis ay nakabalik na sa outpost at sa isang ospital na tumatawag. Ang bata ay napagtulungan ng ilan na buhatin sa bangketa upang doon pagyamanin at ipaghintay ng ambulansiya kung aabot pa. Ang kalahati ng kanyang katawan, ang dakong ibaba, ay natatakpan ng diyaryo at ang gulanin niyang kasuotan ay tuluyan nang nawalat sa kanyang katawan. Makailang sandali pa, pagdating ng pulis ay pamuling nagmulat ito ng paningin at ang mga mata ay ipinako sa maputlang mukha ni Aling Marta.

“Maski kapkapan niniyo ako, e, wala kayong makukuha sa akin,” ang sabing paputul-putol na nilalabasan ng dugo sa ilong. “Hindi ko kinuha ang inyong pitaka.”

May kung anong malamig ang naramdaman ni Aling Marta na gumapang sa kanyang katawan; ang bata ay pilit na nagsasabi ng kanyang pahimakas. Ilang sandali pa ay lumulungayngay ang ulo nito at nang pulsuhan ng isang naroroon ay marahan itong napailing. Patay na, naisaloob ni aling Marta sa kanyang sarili.

“Patay na ang dumukot ng kuwarta ninyo,” matabang na sabi ng pulis sa kanya. Nakatayo ito sa kanyang tabi at hawak naman ang kuwaderno at lapis. “Siguro’y Matutuwa na kayo niyan.”

“Sa palagay kaya ninyo e may sasagutin ako sa nangyari?” ang tanong ni Aling Marta.

“Wala naman, sa palagay ko,” Ang sagot ng pulis. “ Kung may mananagot niyan ay walang iba kundi ang pobreng tsuper. Wala rin kayong sasagutin sa pagpapalibing. Tsuper na rin ang mananagot niyan , “ may himig pangungutya ang tinig ng pulis.

“Makaaalis na po kayo?” tanong ni Aling Marta.


“Maaari na”, sabi ng pulis. “Lamang ay kinakailanang iwan ninyo sa akin ang inyong pangalan at direksiyon ng inyong bahay upang kung mangangailangan ng kaunting pag-aayos ay mahingan naming kayo ng ulat.”

Ibinigay ni Aling Marta ang tinitirhan at pagkatapos ay tuwid ang tinging lumalayo sa karamihan . Para pa siyang naghihina at magulong-magulo ang kanyang isip; Sali-salimuot na alalahanin ang nagsasalimbayan sa kanyang diwa. Lumakad siya ngayon na walang tiyak na patutunguhan. Naalala niya ang kanyang anak na ga-graduate, ang ulam na dapat niyang iuuwi na, at ang nananalim, nangungutyang mga mata ng kanyang asawa sa sandaking malaman nito ang pagkawala ng pera. Magtatanong iyon, magagalit, hanggang sa siya ay mapilitang sumagot. Magpapalitan sila ng mahahayap na pangungusap, sisihan, tungayawan, at ang mga anak niyang ga-graduate ay magpapalahaw ng panangis hanggang sila ay puntahan at payapain ng mga kapitbahay.

Katakut-takot na gulo at kahihiyan, sa loob-loob ni Aling Marta, at hindi sinasadya ay muling nadako ang pinag-uugatang diwa sa banghay ng bata na natatakpan ng diyaryo, na siyang pinagmulan ng lahat.

Kung hindi sa tinamaan ng lintik na iyon ay hindi ako masusuot sa suliraning ito, usal niya sa sarili. Kasi imbi, walang pinag-aralan, maruming palaboy ng kapalarang umaasa sa taba ng iba. Mabuti nga sa kanya!

Kinakailangan niyang kumilos, umisip ng paraan. Kinakailangang kahit papaano’y makapag-uwi siya ng ulam sa pananghalian. Pagkakain ng kanyang asawa ay malamig na ang kukote nito at saka niya sasabihin ang pagkawala ng pera. Maaaring magalit ito at ipamukha sa kanya, tulad ng madalas na sabihin nito, na ang lahat ay dahil sa malabis niyang paghahangad na makapagdala ng labis na salaping ipamimili, upang makapamburot at maipamata sa kapwa na hindi sila naghihirap. Ngunit ang lahat ay titiisin niya, hindi siya kikibo. Ililihim din niya ang nangyaring sakuna sa bata; ayaw ng kanyang asawa ng iskandalo; at kung sakali’t darating ang pulis na kukuha ng ulat ay lilihimin niya ito. At tungkol sa ulam mangungutang siya ng pera sa tindahan ni Aling Gondang at iyon ang kanyang ipamimili – nasabi niya rito na ang nawala niyang pera ay isang daan at sampung piso at halagang iyon ay napakalaki na upang ang lima o sampung ay ipagkait nito sa kanya bilang panakip. Hindi iyon makapahihindi. May ngiti ng kasiyahang naglalaro sa manipis na labi ni aling Marta nang ipihit niya ang kanyang mga paa patungong pamilihan.

Tanghali na nang siya ay umuwi. Sa daan pa lamang bago siya pumasok sa tarangkahan, ay natanaw na niya ang kanyang anak na dalaga na nakapamintana sa kanilang barung-barong. Nakangiti ito at siya ay minamasdan, ngunit nang malapit na siya at nakita ang dala ay napangunot-noo, lumingon sa loob ng kabahayan at may tinawag. Sumungaw ang payat na mukha ng kanyang asawa.

“Saan ka kumuhang ipinamili mo niyan, Nanay?” ang sabi ng kanyang anak na ga-graduate.

“E… e,” hindi magkandatutong sagot ni Aling Marta. “Saan pa kundi sa aking pitaka.”

Nagkatinginan ang mag-ama.

“Ngunit, Marta,” ng sabi ng kanyang asawa , “Ang pitaka mo e naiwan mo! Kanginang bago ka umalis ay kinuha ko iyon sa bulsa ng iyong bestidong nakasabit at kumuha ako ng pambili ng tabako, pero nakalimutan kong isauli. Saan ka ba kumuha ng ipinamili mo niyan ?”

Biglang –bigla, anaki’y kidlad na gumuhit sa karimlan, nagbalik sa gunita ni Aling Marta ang larawan ng isang batang payat, duguan ang katawan at natatakpan ng diyaryo, at para niyang narinig ang mahina at gumagaralgal na tinig nito; Maski kapkapan ninyo ako, e wala kayong makukuha sa ‘kin. Saglit siyang natigilan sa pagpanhik sa hagdanan; para siyang pinangangapusan ng hininga at sa palagay ba niya ay umiikot ang buong paligid; at bago siya tuluyang mawalan ng ulirat ay wala siyang narinig kundi ang papanaog na yabag ng kanyang asawa’t anak, at ang papaliit at lumalabong salitang: Bakit kaya? Bakit kaya?

Agad-agad ?? O.o



 Talaarawan,

   Ngayong araw sa oras ng Filipino ay nagkaroon kami ng pangkatang gawain , ang naatas sa aming grupo ay kailangan naming gumawa ng story grammar. Si Mam ang namili ng mag - uulat sa bawat grupo sa aming grupo ang pinag ulat ay si Jason, Omandac at Moreno. Medyo magulo ang ulat nila, lalo na kay Jason dahil may mga sinasabi syang parang hindi naman nabanggit sa kwento XD.
 Nang mag uwian ay hindi agad kami nauwi dahil kami ay Canteener nina Medalla, Hablero at Nodado. Habang nag hihintay ay nag kwentuhan muna kami, nakipag kwentuhan din ako sa mga kaklase ko noong Ikalawang Taon. Nakwento nila sa akin na magkakaroon daw kami ng Reunion, agad-agad?! -_- di ko pa nga sila namimiss XD, Galak naman sila masyado =) pero ayos lang naman din sa akin iyon.
Mga alas dos ay nag punta na kami sa Canteen. Alas kwatro na rin ng kami ay makauwi, bad trip lang kasi nag abono kami -_- .

Miyerkules, Enero 22, 2014

Ingay pa, Tayo tuloy !



 Talaarawan,

    Sa oras ng Filipino ay nagkaroon kami ng pangkatang gawain tungkol sa "Ang Kalupi". Matapos mag-ulat ng bawat grupo ay pinag-aralan namin ang Banghay. Nagkaroon kami ng Takdang Aralin kung saan isusulat namin sa aming kwaderno ang banghay ng maikling kwentong "Ang Kalupi". Sa oras ng T.L.E. dahil sa ingay namin kami ay pinatayo ng aming guro habang may nag uulat, maya-maya'y pina upo na rin kami ni Mam at pinagsabihan na kung maingay kami ulit bukas ay mauulit iyon. Nang mag uwian ay hindi agad kami umuwi dahil nagkaroon ng orientation para sa Scholar.

Martes, Enero 21, 2014

Talaarawan(Jan.21,2014)



 Talaarawan,

   Ngayong araw sa oras ng MAPEH ay pinresinta na namin ang aming sayaw. Maayos naman ang kinalabasan nito, kaso nga lang ang tangkad ng kapareha ko ! wala kasi si Ian -_-.
Pangalawa daw ang aming grupo sa nakakuha ng mataas na marka na binigay ni Mam.
Nang sumapit ang oras ng Filipino ay tinalakay namin ang maikling kwentong "anag Kalupi" sa pamamagitan ng pagsasalaysay o pagbabasa ng kwento ni Erin habang ginagampanan ng iba kong kaklase ang ibang tauhan dito. Mabilis naman sumapit ang oras ng uwian.
Matapos kumain ay  ginawa na rin ang Takdang Aralin.
Maaga naman akong dinalaw ng Antok dahil siguro sobrang aga ko nagising kaninang umaga.

Lunes, Enero 20, 2014

Ang Lamig ! -_-



 Talaarawan,

   Lunes na naman :) maaga akong gumising pero hindi agad ako bumangon at naligo, pano sobrang lamig ! nakakatamad bumangon XD. 4:30 na ng maisipan kong bumangon. Nang makarating ako sa paaralan ay nakapila na ang mga estudyante para sa Flag Ceremony, Hoo! Muntikan pa kong mahuli. Nagkaroon kami ng exibit sa oras ng Math, matapos iyon ay wala na kaming ginawa. Nang sumapit ang oras ng Filipino ay nagkaroon kami ng pangkatang gawain kung saan kami ay gagawa ng tulang pandamdamin. Ang tema ng aming grupo ay pagmamahal sa mga Lolo't Lola, bawat isa sa amin ay gumawa ng isang saknong.
   Nang mag-uwian ay nagkaroon kami ulit ng ensayo ng sayaw namin sa MAPEH. Ayos naman ngayon ang aming ensayo, ito na rin ang huling ensayo dahil bukas na namin ito ipepresenta. Natapos din kami agad pero hindi agad umuwi at nakipagkwentuhan muna ako sa iba kong kaklase, habang nanunuod ng ensayo ng ibang grupo. Bago umuwi ay dumaan muna kami sa Computer Shop para mag paprint ng aming Takdang Aralin.

Linggo, Enero 19, 2014

Ang Hangin ! *.*



 Talaarawan,

  Ngayong araw ay sumama ako kay Papa sa Taytay para mag deliver ng itlog sa palengke doon. Akala ko tambay lang ulit ako sa bahay buti na lang dumaan muna sa amin si papa at sinabing mag dideliver sila sa Taytay kaya naisipan kong sumama, buti nga pumayag si Mama :) dahil wala rin naman akong gagawin sa bahay . Habang nasa byahe ay wala naman akong ibang ginawa kundi mag patugtog lang. Nang makarating kami sa Taytay ay naghatid na sila ng mga order habang ako naiwan lang sa sasakyan -_-.
Mga ala una nang umuwi kami at tska pa lang kakain ng tanghalian. Pag kauwi'y ginawa ko na rin ang aming takdang aralin.

Sabado, Enero 18, 2014

Ang Pamana Ni Jose Corazon de Jesus




Isang araw ang ina ko’y nakita kong namamanglaw
Naglilinis ng marumi’t mga lumang kasangkapan.
Sa pilak ng kanyang buhok na hibla na katandaan
Nabakas ko ang maraming taon niyang kahirapan;
Nakita ko ang ina ko’y tila baga nalulumbay
At ang sabi “itong pyano sa iyo ko ibibigay,
Ang kubyertos nating pilak ay kay Itang maiiwan,
Mga silya’t aparador ay kay Tikong nababagay
Sa ganyan ko hinahati itong ating munting yaman.”

Pinilit kong pasayahin ang lungkot ng aking mukha
Tinangka kong magpatawa upang siya ay matuwa,
Subalit sa aking mata’y may namuong mga luha
Naisip ko ang ina ko, ang ina ko na kawawa;
Tila kami iiwan na’t may yari nang huling nasa at
sa halip na magalak sa pamanang mapapala,
Sa puso ko ay dumalaw ang malungkot na gunita
Napaiyak akong tila isang kaawaawang bata
Niyakap ko ang ina ko at sa kanya ay winika.

”Ang ibig ko sana, Ina’y ikaw aking pasiyahin
at huwag nang Makita pang ika’y Nalulungkot mandin,
O, Ina ko, ano po ba at naisipang hatiin
Ang lahat ng munting yamang maiiwan sa amin?”
”Wala naman,” yaong sagot “baka ako ay tawagin ni Bathala
Mabuti nang malaman mo ang habilin?
Iyang pyano, itong silya’t aparador ay alaming
Pamana ko na sa iyo, bunsong ginigiliw.”

“Ngunit Inang,” ang sagot ko, “ang lahat ng kasangkapan
Ang lahat ng yaman dito ay hindi ko kailangan
Ang ibig ko’y ikaw ina, ang ibig ko’y ikaw inang
Hinihiling ko sa Diyos na ang pamana ko’y ikaw
Aanhin ko iyong pyano kapag ikaw ay mamatay
At hindi ko matutugtog sa tabi ng iyong hukay?
Ililimos ko sa iba ang lahat ng ating yaman
Pagkat di ka maaaring pantayan ng daigdigan
Pagkat, ikaw O Ina ko, ika’y wala pang kapantay.”

Kapareha XD



 Talaarawan,

   Ngayong araw ay nagkaroon kami ng ensayo para sa sayaw ng mga kagrupo ko, sa tapat lang ng paaralan kami nag ensayo . May ibang kagrupo kong lalaki ang hindi pumunta, isa na ang aking kapareha kaya't si Lovely na lang muna ang pumareha sa akin dahil wala din naman yung kapareha nya (paulit-ulit yung "Kapareha"? XD). Natapos din kami agad dahil onti na lang ang dinagdag na steps, at mas maayos ngayon ang practice namin kesa nung nakaraang araw. May isang grupo rin kaming nakasabay pero hindi agad sila natapos kaya inantay ko na lang para may makasabay ako pauwi. Inabot na sila ng alaskwatro kaya nag pasya na silang umuwi.

Biyernes, Enero 17, 2014

Tula !? O_o



 Talaarawan,

  Ngayong araw sa oras ng MAPEH ay nag ensayo ang bawat grupo para sa kani-kanilang sayaw.
Nang sumapit ang oras ng Filipino ay wala si Mam kaya iba ang nag bantay sa amin. Nagkaroon kami ng gawain kung saan kami ay gagawa ng tula, sa totoo lang hindi talaga ako magaling sa paggawa ng tula lalo na pag may tugma :D. Nang mag uwian ay nag ensayo kami ulit ng mga kagrupo ko para sa sayaw namin. May mga nakasabay din kaming ibang grupo kaya may makakasabay pa ako pag uwi :). Natapos kami sa pagpapractice ng mga alas dos ng hapon . Magkakaroon pa ulit kami ng ensayo bukas :).

Huwebes, Enero 16, 2014

Talaarawan(Jan.16,1014)



 Talaarawan,


    Huwebes na ! ang bilis talaga ng araw. Maaga akong gumising para pumasok kahit nung una ay medyo tinatamad pa ako bumangon dahil sobrang lamig at masarap matulog.
Sa oras ng Mapeh ay pinag usapan ng bawat grupo ang tungkol sa aming sasayawin, bawat grupo ay may kanya kanyang sasayawin sa aking grupo ay Varsovienne. Medyo madali lang naman  iyon, halos puro paa lang ang pagtutuunan ng pansin. Sa oras ng Filipino ay may binasa si Mam na isang liham na galing sa magulang para sa kanilang anak, ayon kay Mam isang pari ang sumulat nito. Matapos iyon ay nagkaroon kami ng gawain kung saan kami ay gumawa ng liham para sa aming magulang partikular sa aming mga Ina.
  Nang mag uwian ay nagkaroon kami ng ensayo para sa aming sayaw sa Mapeh kasama ang aking mga kagrupo. Medyo nagirapan pa ako nung una pero nakuha ko rin naman din agad. Mga alas tres na ng mapagpasyahan naming umuwi at bukas sa lang ito ipagpatuloy. :)

Martes, Enero 14, 2014

Talaarawan(Jan.14,2014)



Talaarawan,

 Hayyy.. Masama ang pakiramdam ko ngayong arawa, masakit ang ulo ko dahil sa sipon ! >.<
Pero kahit ganon ay pumasok pa rin ako. Nagsimulang mag talakay si Mam Manlagnit para sa aming mga aralin ngayong ikaapat na markahan, nag wrong responce kami sa Mapeh masaya ako dahil nakapasa ako dito. Sa oras ng Filipino naman ay tinalakay namin ang tulang "Ang Pamana" at nagbigay ng takdang aralin si Mam na magkaroon kami ng kopya ng kantang tungkol sa Ina. Nang mag uwian ay umuwi rin ako agad dahil medyo masakit pa din ang ulo ko. pag kauwi'y kumain ako at uminom ng gamot tsaka nagpahinga. Ginawa ko na rin ang aking ilang takdang aralin ng umayos ang aking pakiramdam. :)

Lunes, Enero 13, 2014

Ikaapat na markahan na! :)



 Talaarawan,

 Ngayong araw ang simula ng ikaapat na markahan, maaga akong gumising para makapasok ng mas maaga dahil may flag ceremony kami at ngayon din ang lipat namin sa bagong silid aralan, kung saan dating nagkaklase ang pangkat lima.
Itinama namin ang aming ikatlong markahang pagsusulit sa ibang asignatura. Samantalang sa oras ng Values ay nagturo naman ang Student Teacher na kasama ni Ginang Uy. Sa oras ng Filipino ay may gawain kami tungkol sa tulang "Ang Pamana" ni Jose Corazon De Jesus, kung saan ito'y binigyan namin ng reaksyon at kung ano ang ipinahihiwatig ng bawat saknong nito.Nang maguwian ay dumaan muna kami ng isa kong kaklase sa isang Computer Shop para mag padownload ng mga kanta. Matapos iyon ay umuwi na rin kami. :)

Huwebes, Enero 9, 2014

Ikatlong Markahang pagsusulit.



  Talaarawan,


   Maaga akong gumising para mag balik aral para sa aming Pagsusulit mamaya. Filipino, English, Mapeh at T.L.E ang aming itetest mamaya.
May mahirap at may madali sa aming mga sinagutan. Habang kami ay nagsasagot inanunsyo ni Ginoong Inahid ang tungkol sa JS Prom, kung paano at sino lang ang pwedeng sumali dahil hindi lahat kami ay pwedeng makasali dalawamput limang babae at lalaki lang ang pwede.
---Uwian!--
 Umuwi ako agad at kumain, maya maya'y inantok rin ako at agad ding nakatulog. Mga alas dos ng ako ay magising, ginawa ko lang ang protekto sa aming Filipino na pagbubuod. Nag balik aral din ako para sa natitirang asignatura na aming itetest.

Martes, Enero 7, 2014

Talaarawan (Jan.7,1014)



 Talaarawan,


   Isang araw bago ang ikatlong markahang pagsusulit, marami rin kaming kailangang ipasa sa aming mga guro. Pinasa namin ang portpolyo namin sa asignaturang Chemistry at T.L.E., nagkaroon kami ng pagsusulit sa Values. Sa oras ng Filipino ay tinalakay namin ang uri ng tunggalian sa Noli Me Tangere at ang simbolismo. Sa oras ng T.L.E ay itinama namin ang aming nakaraang pag susulit nang wala na kaming ginagawa  ay pinakuha kami ni Mam ng kalahating papel at pinasulat kami ng aming New Year's Resolution.
Matapos ang mahabang oras sa wakas ay uwian na rin! :))
kumain lang ako at  ginawa ko ang ilang takdang aralin matapos iyon ay nanuod lang ako ng telebisyon. =)

Lunes, Enero 6, 2014

Paukan na naman ! :)



 Talaarawan,


  Matapos ang dalawang linggong bakasyon, balik eskwelahan na naman kami :)
Maaga akong gumising at pumasok para hindi mahuli sa flag ceremony. Medyo inaantok pa nga ako sa mga naunang asignatura dahil na rin siguro medyo nasanay lang ako na mga ganong oras ay tulog pa ako. Nag balik aral lang kami sa ibang asignatura at ang iba nama'y tinuro ng aming guro ang mga ilang aralin dahil sa huwebes at byernes na ang aming ikatlong markahang pagsusulit. Sa oras ng Filipino ay nagkaroon kami ng gawain kung saan sumulat kami ng repleksyon sa  mga nangyari sa amin noong nakaraang taon at ang nais naming baguhin ngayong bagong taon . Nang mag uwian ay umuwi ako agad para makakain dahil gutom na ako :D. Nang makauwi kumain na ako at nagpahinga saglit, ginawa ko na rin ang portpolyo sa dalawang asignatura at ginawa na ang aking mga takdang aralin.